kundiman

karmi. komski. parehong 20-something. frustrated writer. rockstar wannabe. madrama. naruto fanatic. mahilig kumanta. cam-whore. charmed addict. loves twitter. writer kuno. isip-bata. idol si BO. mastermind ng komski quotebox. makulit. computer geeks. pero mas geek pa din si komski. mababaw ang kaligayahan. 14.

  • anneV: cute naman ng entry na ito. however, we don’t have that brand of candy here in sweden eh. cute blog...
  • ann: Love site pala ito..hehehe. dito ka na ba?
  • F: wagas na pagibig . teka pahingi ako ng kendi =)
  • ettey: syet!tumayo atang lahat ng buhok ko sa katawan ng mabasa ko tng post mo bigla akong kinilabutan at di naiwasan...
  • komski: Naku, masama pinaglalaruan ang pagkain, hehehe. Pero kung maaalala mo naman ako in the process, ok na rin:D...
  • MommyBa: ay ang sweet!!! Pramis talaga corny entry na lang gagawin ko, hehehe.
Subscribe to my feed




Wala na ata, di na natin mahahanap yun.
Haaay.

Ang lakas pa rin ng init ng araw at mukhang masusuyod na namin ang walang hanggang dalampasigang aming nilalakaran ngunit hindi pa rin matatanaw ni anino ni Fermit, oo, Fermit the Crab. Bumalik kami sa aming pinanggalingan, at tinungo ang mahabang daungang nakaturo sa papalubog nang araw.

May isda o!:D
O asan?

Kung alam lang niya na higit siyang mas kaaya-aya sa kahit na anu pa mang tanawin. Na ang boses niya’y higit sa kahit na anu pa mang musika. Naglakad-lakad kami palibot sa daungan, nagkatakutan na baka mahulog sa may dulo at nagkatuwaan na magbalanse sa gilid nito. Ang presko ng hanging nagmumula sa karagatan, na bumabango sa halimuyak ng kanyang buhok.

At nakita namin sila papalapit mula sa kalayuan, papunta rin sa aming kinatatayuan— namamasyal kagaya namin.

Gusto mo kunan ko siya ng litrato?

Nabigla ako sa kaniyang sinabi kahit na alam kong hindi naman lingid sa kaniya ang pagkakagusto ko sa iba, e kitang sa kanya ko unang sinabi ang tungkol doon, noon. Teka, bakit parang naging seryoso siya bigla. Nawala panandalian ang ngiting nakaguhit sa kanyang mukha, na tila bang naanod papalaot sa dagat, na muling nabalik nang kanyang nang sabihin sa kanila ang mga kataga,

Kunan ko kayo ng piktur!:D

Hindi ko na lang siya tinignan sa kanyang ginagawa, ngunit naririnig ko ang kanyang boses. Masaya naman kaming magkasama ah, ngunit bakit kailangan pa niyang gawin ito? Hindi na rin ako nakatanggi. Hinayaan ko na lang siya. At ngayon napagisip-isip ko, dapat pala’y pinigilan ko siya’t sinabing hindi na kailangan dahil.. dahil.. dahil sa kanya. Gusto ko siya at wala na akong ibang iniisip pa.

Maala Port

Isang group picture, off-center? Hinde. Sakto nga sa gitna e. Pero paano kaya kung hindi na lang ako nagkagusto sa babae sa litratong kanyang kinuha o di kaya’y di na lang niya nalaman? Hindi ba niya naramdaman na mas matimbang siya kaysa sa kahit na sino pa man? Manghihinayang ako nang sobra kung malaman kong naging mas maganda sana ang kinahantungan ng aming istoryang dalawa kung sakaling sinabi ko na,

Siya ang tinuturing kong unang babaeng aking inibig.

Ito ay ang aking lahok para sa lingguhang Litratong Pinoy na may kategoryang Dalampasigan. Ang litrato ay kinuhanan niya, ang babaeng kasama ko sa kwentong iyong nabasa. Sa kanya rin patungkol ang istoryang inilahad ko sa aking Tubig entry. Ito ay kinuhanan sa may South Dock ng Corregidor Island nuong early 2004.

Kung may magtatanong man, masaya ako kay karmi my labs, hehehe. Ito ay isunulat base sa aking nararamdaman nuon, at oo, maniwala man kayo’t hinde, malinaw pa sa aking alaala ang araw na iyon. Friends pa rin kami nung babaing aking tinutukoy sa post na ito. Binati ko nga siya sa birthday niya nung nakaraang linggo. May iba pa kaming pictures dati kaya baka ipost ko kapag tugma sa kategory, at madurugtungan ulit itong kwento:)

Sali ka na sa 1st Official Litratong Pinoy EB!

beach

Arviiiin, may nakita akong hermit crab kanina, kaya lang nakawala e. Nabitawan ko kasi nung lumabas siya sa shell.

Naka-pout ang kanyang mga labi at nangingislap ang mga matang animo’y malapit ng maluha. Para lang isang anime character at oo, ang cute niya. Malayo pa lang ay nakita ko na siyang inaantay akong makalapit sa kanya, pero siyempre kunwari’y hindi ko inaasahan na may sasabihin siya.

Sayang kasi ngayon lang ako nakakita talaga nun…

Eto na, tumigil na siya sa kanyang pagkukwento at hinihintay na niya ang aking sasabihin. Tumingin ako sa may beach at nakita ko ang init na sumisingaw mula sa nakakasilaw na buhangin. Hapon pa naman at kakakakain lang namin ng tanghalian, huling stop bago tumuloy pauwi mula sa educational trip na ito ng aming eskwelahan.

Tumingin ulit ako sa kanya.

Tara, sa’n ba nawala?

Ang lungkot sa kanyang mukha’y biglang napalitan ng saya. Ngiti niya’y naging mas matingkad pa sa araw. Haay, paano ko naman matitiis ang isang katulad niya? E kitang tatlong taon na akong may gusto sa kanya. Kaya kahit pa mababawasan ng ilang units ang hex values ng kulay ng aking balat. Ay niligid namin ang kahabaan ng dalampasigan.

Sa aming paghahanap at napangalanan na namin ang maliit na crustacean na iyon, Fermit the Crab, na ewan ko kung halatang hango sa Kermit the Frog. Siya ata ang nakaisip nun. Malungkot nga lang dahil hindi na namin ito nakita pang muli, o kahit man lang isa sa mga kamag-anak niya, sayang.

Pero masaya pa rin, dahil nakasama ko naman siya sa pamamasyal, sa pagmumulot ng mga kabibe’t mga batong may kulay. At tingin ko naman ay nasiyahan din siya. Hmmm, naaalala pa kaya niya ito?

Ito ang aking tubig entry para sa Litratong Pinoy. Ang litrato any kinunan sa isla ng Corregidor, taong 2004, salamat sa aking kaibigan na siyang kumuha nitong litrato habang nakatalikod kami.

Update (10 mins after): ngayon ko lang naalala na may dalampasigan category sa hulyo, haay, saan naman ako hahanap ng beach sa ganung panahon? Hehe, oh well.

Malamig sa loob ng classroom.

David, right?
Yes ma’am.

Hindi ako nakapag-aral kaya’t paniguradong wala akong masasagot sakali mang matawag ako. Malay ko ba sa mga inner joins, set divisions at symbolic calculus. Hindi ko rin nasimulang magsulat ng notes para sa klaseng ito, kaya’t nakatago pa rin sa bag ang notebook kong puro drawing lang ang laman.

Naroroon siya sa kabilang dako ng silid-aralan. At hindi ko maiwasang paminsan-minsa’y magawi ang paglingon ko sa kanyang mukha. Nakikita ko siya mula sa aking kinauupuan. At kada tingala ko mula sa aking lamesa patungo sa pisara’y dumadaan muna sa kanya ang aking mga mata. Hindi ko mapigilan ang sarili kong tumigin sa kanya, at punahin ang ayos ng kanyang buhok sa lagpas sa balikat at pisnging may kaunting bahid ng kolereteng rosa.

I will give 10 points to anyone who will answer this correctly, anyone?

Hindi na ako halos nakikinig na sa pinag-aaralan. Lalo kasing nagiging mahirap ang mga konsepto, lumalawak, gumugugulo. Bahala na lang sa exam na sa susunod na sabado na ata. May maisasagot naman siguro ako kahit na paano. Nakikinig naman ako kahit sandali, nakikibasa kahit kaunti, nakikiaral kahit sasaglit.

Mas natutuon na tuloy ang aking atensyon sa kaniya, na nuong una’y hindi ko inakalang makikita ko sa klaseng ito, makakasama. Minsan-minsa’y napapatingin din siya sa direksyon ko o sa aking katabi, na kung magkatao’y nakikita ko siyang nakatingin sa akin at ako’y kung hindi man mapalihis kaagad ng tingin pababa sa lamesa, ‘di kaya’y matigilan sa pagkakatitig sa kaniya sa hindi kaagad pagkakapuna na ako pala’y kanyang nakikita na.

How would the query statement go… Arvin.

Nabasa niya ang sagot mula sa pagbukas ng aking bibig. Syet, kilala niya ko. Ngunit sa pagbanggit niya sa aking pangalan ay hindi siya nakatingin sa akin, bakit? Walang oras upang mag-over analyze, kailangang magsalita.

Class where not room = “MH309″

Nagpatuloy siya sa itinuturong aralin, at ako naman ay nakatingin pa rin sa kaniya, sa bawat bukas ng kanyang bibig, sa pagpikit ng kanyang mga mata. Seryoso ang kanyang ngiting naiiba sa aking nakikita sa karamihan, at nakakatuwa ang mga birong nakakatakas sa pagitan ng pagsulat sa pisara at pagtatanong sa amin. At sa aking sobrang pag-iisip ay napalingon ako sa aking katabi’t naitanong,

May asawa na ba talaga si Ma’am?
Bakit, interesado ka?

Walang patumpik-tumpik kong sinabing,

Oo.