Wala na akong ibang maisip, eto na lang talaga.

April 2008 Archives

Anung una mong nasasambit mo ‘pag nakakita ka nito?

Thursday, 24th day of April 2008

Ang haba!

O ha, pasok na pasok ito para sa kategorya ng Litratong Pinoy sa linggong ito. Pinoy tayo kaya imposibleng hindi mo naranasang tumayo’t maghintay sa likod ng maraming tao, tama, isang pila. May pila para makakuha ka ng class tuwing enrolment, at kahit para mabawasan ka ng subject ay may pila pa rin. May pila bago makapasok sa mall, pila para makapagtry ng damit sa fitting area, at pila na rin kapag bibili ka na. Pila sa Jollibee kapag nagugutom at pila naman sa cr pag nasobrahan pagkatapos. Pila sa sinehan, sa sakayan ng dyip, at sa kung saan-saan pa. Oo,

Habang may buhay, may pila.

Paggising ko pa lang ay may pila kaagad na dapat ako ang mauna, dahil kahit tatlo lang kaming magkakapatid ay nakapila pa rin kami sa iisang banyo. Ang problema, parehong babae ang kapatid ko at (wala nang kokontra) matagal silang maligo. At kailangang bilisan dahil nagsisimula pa lang ang araw at marami pa akong pilang pipilahan.

Sunod ay sa may MRT na pila, ang mother-of-all-pila, na kapag nalampasan mo ito, kakayanin mo na ang kahit na ano pa mang pila na darating sa buhay mo. Sa may North Ave. station ako sumasakay bandang 7.30 ng umaga at sinasabi ko sa iyo, grabe, sa dami ng tao, nasasakop namin yung dalawa sa tatlong lanes ng kalsada ng EDSA. Bakit kamo ito ang pila above all other pila? Kasi naman, sa isang ordinaryong pila ay nasa harap at likod mo lang ang may tao, e sa pila sa MRT, lahat ng direksyon meron! Kaliwa kanan, harap at likod.

At any point in time ay may walong taong nakadikit sa iyo, parang minesweeper. Sige, bilangin mo next time na sumakay ka tuwing rush hour. Nakakabaliw, sa sobrang nakakabaliw, magsasawa ka na sa kabaliwan at magiging ok ka na at pagkatapos nun ay mababaliw ka ulit. Apat ang hagdanan paakyat sa MRT, apat na beses din uulit ang cycle na yan (Results may vary with metabolism).

Pagkababa ko naman sa MRT ay may pila ulit pagsakay ng bus, yung kinuhanan kong litrato sa taas. Korning pila, diretso, maayos, maaliwalas, hindi pwedeng sumingit! Wala kang magagawa kundi i-embrace ang kahabaan ng kapilahan. Maghintay, maghintay at maghintay pang muli.

At pagpasok ko sa building ng opisina para sa aking ojt, ooops, pila pa rin. Pila naman sa elevator. Ayan, sa loob ng unang tatlong oras sa araw-araw ay matinding pilahan na ang sinusuong ko, grabe. Haaay, paano nga naman ba ang mundong walang pila? Pwede ba yun?

Isang mahabang entry para sa isang mahabang bagay para sa lingguhang kategorya. Opsops, pila-pila lang sa comments ha:)

Posted at 10:06 pm | Permalink | 19 Comments

Ang Nakikibasa: Pucha.

Sunday, 20th day of April 2008

<< unang pahina

(Haay, busy naman kasi, grabe. Nasa’n na nga ba yun.)

Mabilis na inisa-isa ng kanyang mga daliri ang mga librong nakalagay sa istante. Pilit hinahanap ang natatanging librong kung papansining maiigi ay kakikitaan ng maliit na siwang sa isa sa mga pahina, dulot ng iniipit na papel bilang marka sa huling talatang kanya nang nabasa.

(Hmmm, sana naman e alang nakabuklat nun, haaay.)

Ilang araw na rin ang nakalipas ng huli niyang binuklat ang librong yoon. Oras na hindi abot sa panahon kung kailan ang mga ganuong bagay tulad ng numero ng pahinang kanyang huling binuklat ay lumalagi pa sa kanyang alaala. O masyado lang talaga siyang maraming iniisip dulot ng mga gawain sa trabaho kaya’t nitutulak na paalis sa utak ang mga maliliit na detalyeng napakadaling malimot. At siguro’y nasanay na rin talaga sa pagmamarka sa kung saan siya dapat magsimula, ang unang pahina, talata, at salita.

Sa ilang sandali pa’y nakita na niya. Napasama pala sa katabing estante ang librong kanyang hinahanap. Siguro’y sa kaiiwas sa mga taong dumadaan habang siya’y nagbabasa’y nagawi siya doon tapat. Kinuha niya ang libro at tinignan maiigi ang pabalat nito. Napawi ang kaba, sumandal nang hindi nakabalandra, binuklat ang aklat sa tamang pahina at nagsimula sa kanyang pagbabasa.

(Ang cute talaga nito:D)

Iilang minuto pa lang siyang nakatayong tahimik ay nangawit kaagad ang kanyang mga paa. Ibinaba niya muna ang librong halos isang buwan na niyang pinagtyatyagaang puntahan upang mabasa. Konting inat, lakad-lakad at lingon sa mga taong tumitingin-tingin sa mga nakahilerang librong naghihintay sa bibili sa kanila.

At sa pagtaas niyang muli sa hawak-hawak na libro’y may kung anung dilaw na papel ang bigla na lang nahulog mula sa sa tingin niya’y huling pahina ng librong kanyang binabasa, nahulog sa sahig at napansin niyang may nakasulat kaya’t kanyang pinulot para makita.

Ay, pucha.

Posted at 3:56 am | Permalink | 3 Comments

Kwadradong mundo

Thursday, 17th day of April 2008


Sa isang maliit na kwadrado’y pinagdurugtong, ang ating magkalayong mundo. Pinagkakasya ang mga damdaming inilalakip sa mga salitang pasalit-salit na ipinapadala’t ipinararating paligid, palibot, papunta sa kabilang dako.

Dito sa maliit na kwadradong tila bagang isang salamin lang ang nagiging hadlang sa paghaplos ko sa iyong pisngi, ay nadarama pa rin ang bawat pintig ng puso mong itinitibok ang pag-ibig na sa lumaon ay hindi na natin makayanang ikubli.

Ang mga kamay nating hindi pa magawang magkahawak, ang init mula sa mga yakap na nililikha lamang ng ating isipang sabik na makasama ka sa iisang lugar, ang mga hiling natin na sana’y ikaw na at ako na ang para sa iyo’t ang para rin sa akin– ito at ang marami pang mga pangarap na binuo nating magkasama sa maliit na kwadradong naging daan para sa pagsasama ng ating mundong sa totoo’y nasa magkabilang dulo nitong tinatahanan nating daigdig.

Kung sana lamang ay sa bawat pagkikita natin dito sa maliit na kwadradong ito’y titigil din ang oras sa pagtakbo nito, dahil sa hindi na magagawang makaikot pa nitong bilog na mundo kung ang hugis nito’y magiging kwadrado.

Posted at 12:00 am | Permalink | 31 Comments