Wala na akong ibang maisip, eto na lang talaga.

March 2008 Archives

Wala diyan, nasa likod na yung akin.

Wednesday, 26th day of March 2008

2005. Sabado ng hapon. Walang pasok pero lumuwas ako para samahan pauwi ang kaklase ko na unang beses napunta sa aking iskul. Sinundo ko ata siya, yun ata ang tawag dun.

May pinanood kasi silang isang dance performance sa may University Theater, home of the Miss Earth Beauty Pageant at ng STI at AMA Graduation. Ewan ko lang kung bakit ang layo pa ng naging venue ng kanilang event, e ang layo nito mula Taft. Alas tres ang tapos pero pumunta ako doon ng bandang alas-dos, excited kasi. Maaga pa nuon kaya umupo muna ako sa isa sa mga bench sa acad oval, sa may tapat ng Carillon, at naghintay.

Hindi mapagkakamalang may kakaiba sa araw na iyon sa loob ng UP sa tapat ng theater. Nakahilera kasi sa magkabilang panig ng kalsada sa harap nito ang hindi mabilang na kotse, magaganda, magagara, makikintab. May blue, black, yellow, red, white, green. Kakaiba. Kakaiba dahil ngayon lang ako nakakita ng ganuon karaming kotse na sama-sama sa iisang lugar… sa loob ng UP. Nakapagtataka talaga.

Meron ngang dumaan na magsyota na nagjojogging ‘tas biglang lumakad na lang sila nung nasa tapat na nitong eksena. At narinig ko silang pinag-uusapan kung ano nga kaya ang meron. Alam ko, kasi nang tumapat sila sa akin ay tinanong ako nung lalaki kung anu nga bang meron. Sabi ko naman,

Ano, dance ewan… Wala, mga taga-La Salle yan.

Parang naging susi ang aking nabanggit sa pinto patungo sa kalinawagan sa kanilang pag-uusap. Napa-”aaaah” na lang yung lalaki. Nga naman, kaya pala. E mga taga-LaSalle kaya ganyan karami ang mga kotse, na nadaig pa ang dami ng mga dahong nakakalat sa kalsada.

Nakaupo pa rin ako sa may bench nang makita ko sa may malayo ang isang UP police na sakay sa isang mobile patrol motocycle at habang iniisa-isa ang mga kotse. Nuong una’y hindi ko mawari ang kanyang ginagawa ngunit ng malapit-lapit na siya’y nakita ko na ang kanyang sadya. May sinusulat siya sa isang may kulay na papel at pagkatapos ay iniipit ito sa may windshield wiper ng mga kotse. Isinisilid pa nga niya ito sa plastic para hindi mabasa. No parking tickets.

Ang laki-laki naman kasi ng parking lot sa likod. E dito pa sila lahat humilera.

Narinig kong sinabi ng isang lalaking nagbibisikleta na huminto malapit sa akin. Kinausap niya ang pulis na nakarating na halos sa tapat ng aking kinauupuan. Hindi raw ba nila nakita ang mga No Parking signs na nakakabit sa lahat ng poste? O talagang gusto lang nila ibalandra ang marami nilang kotse. E malaki naman daw ang parking lot sa likod. Siguro’y hindi lang nila alam o tinamad lang sila sabi niya.

Ako nama’y walang kaimik-imik na nakaupo at nakikinig sa kanilang pag-uusap. nang bigla na lang niya akong pinagbalingan ng atensyon at ako nama’y nagulat sa kanyang itinanong,

Ikaw, baka meron kang isa dito? Ilipat mo na habang di pa natitiketan.

Nakakabigla. Ako, may kotse??? I wish. E wala nga akong laptop o matinong pc man lang, hindi nagtataxi, at pati dalawam-pisong discount sa pamasahe e nakikipag-giyera para makuha. ‘Tas magkakaroon ako ng kotse bigla? Hmmm, bakit nga naman ba hinde. Kayat dahil lang nga sa aking mabilis na reflexes ay isinaagot ko sa kaniya ang title ng post na ito,

Wala diyan, nasa likod na yung akin.

Natawa ang mga magulang ko nang ikinuwento ko sa kanila ito pagkauwi ko. Bakit ba, hindi naman niya malalaman. Gusto mo idescribe ko pa e, hehe.

Posted at 8:47 pm | Permalink | 11 Comments

Sa piling mo’y ang oras ay nawawalan ng halaga.

Wednesday, 12th day of March 2008

Naniniwala akong mayroong panahong nakalaan para sa ating dalawa. Panahon kung kailan, hindi na natin kailangan pang umasa. At ang mga “sana”, “sana ngayon” at “sana talaga”, sa ating pag-uusap ay maglalaho’t ang kanilang saysay ay mawawala.

Hinihintay ko ngayon ang panahong ikaw ay akin nang makakasama.

At sa pagdating nitong pinakamimithi’y masasabi kong akin ka na talaga, dahil nilisan mo nang tuluyan ang mundo ng aking panaginip; at sa pagdating ng araw na yao’y yakap ko’y iyo nang tunay na madarama. Kaya’t mga salitang *yakap* ay siya na ring mawawalan ng kanyang halaga, ‘pagkat mga kamay ko’y abot na ang katawan mong sa bisig ko’y hahayaan kong ikaw ay mahiga’t makapagpahinga.

Alam kong itong umusbong sa pagitan nati’y hindi magtatapos dahil sa ikaw ay akin nang nahanap, nakita. Ito’y simula lamang sa pagtahak natin sa daan patungo sa isa’t isa at sa tamang panahong tunay nating ikaliligaya.

Darating din ang panahong hindi na natin kailangan pang mangarap at umasa, dahil sa panahong yao’y ang ikaw at ako, ay wala na; dahil tayo ay magiging isa.

Posted at 11:29 pm | Permalink | 12 Comments

BO

Sunday, 9th day of March 2008

Walang klase, malawakang eleksyon kasi para sa student council at iba’t ibang clubs and organizations para sa susunod na taon. Walang tao sa loob ng classroom at dumating siya. Seatmates kami para sa huling quarter ng schoolyear, ok na ring pangwakas ng aking highschool life.

“Alam mo ba ito?”

May hawak siyang isang green na libro, na dalawang linggo ko na atang nakikitang pinagpapasa-pasahan ng aking mga kaklase. Hindi naman talaga ako palabasa ng libro kaya hindi ako naging interesado kung anu nga ba iyon. Meron pang isa, kulay dilaw na ewan ko ba kung nagjojoke ang mga nagbabasa, baligtad kasi.

Tinanong na rin niya ako kung kakilala ko si Bob Ong at sagot ko naman ay hinde. Dapat ata ay umoo na lang ako dahil hindi na niya itinuloy ang kanyang kwento dahil sa sagot ko. Umupo siya sa tabi ko at inaya akong makibasa sa kanya.

Bukas ang bintana at sa bawat pag-ihip ng hangi’y nalalanghap ako ang halimuyak ng kanyang mahabang buhok. Ang bango, sa kanya lang naging ganito kabango ang vaseline shampoo. Nakibasa ata ako ng kaunti ngunit mas makatuon ata ako sa mga daliri niyang nakahawak sa mga pahina nitong maliit na libro.

“Gutom na ko, bili lang ako ng pagkain ha. Dito ka lang, basa ka muna. Balik ako.”

Ewan ko ba kung bakit hindi ko siya sinamahang pumunta sa canteen, siguro’y tuliro pa ako’t nanaginip pang gising sa pag-iisip na siya’y muling magbabalik sa aking tabi.

Wala na siya, at hawak ko ang libro kaya sinumulan ko na talaga siyang basahin. Nakakatuwa’t nakakatawa ang kanyang mga kwento at swabe ang pagkakalahad sa bawat istorya, na parang isang palabas na walang patalastas.

Nagustuhan ko kaagad ang libro sa iilang linya pa lamang ng pagbabasa. Wala akong kaide-ideya na ito ang simula ng aking paglalakad sa landas patungo sa kanya.

Oo nga pala, hindi na niya ako binalikan.

 

Isang taon na ring akong nagbablog sa tabulas, at sa hindi ko na matandaang dahilan ay naisipan kong gumawa ng isang webservice (hindi pa uso ang salitang widget nuon), ngunit hindi ko alam kung paano. Hanggang sa nakita ko sa isa sa mga estante ng National Bookstore ang librong ito: Internet and World Wide Web How to Program.

Inaral ko kung paano magprogram for the web. At nabuo ang plano kong paglalagay ng daily Gospel readings sa mga blogs. Ngunit hindi ito naging madali dahil wala akong makitang formula kung paano nalalaman kung anong Gospel reading para sa isang specific na araw. Kaya’t napunta na lang ako sa Bible quotes, ang unang kategorya ng komski quotebox.

At bigla ko na lamang naaala ang isang librong naging paborito ko at alam kong marami ring tulad kong natawa’t nainspire sa mga linyang nakapaloob dito, ang ABNKKBSNPLaKo?!. At siyempre ay nabasa ko na dati pa ang faq ni bob ong kaya’t nagpaalam muna ako sa paggamit ng kanyang mga isinulat.

At 11:08 AM 8/5/2005 +0800, you wrote:
> From: arvin castro
> Date: Thu, 4 Aug 2005 18:55:54 -0700 (PDT)
> To: visprint@pacific.net.ph
> Subject: quote bob ong books
>
> pwede po bang kumuha ng mga limampung linya
> o higit pa mula sa mga libro ni bob ong?
> gagamitin ko po sana na random html sa aking website,
>
> may demo page po sa http://komski.blogista.com/quote
> para makita niyo ang guto kong mangyari,
> kung may oras kayo.
>
> ang mangyayari, pwede rin pong kopyahin
> ng ibang web authors ang code para
> maglagay ng ganung quotes sa kanilang webpages .
> sana naman ay ako’y payagan ninyo. ok lang po ba?
>
> o pwede akong makulong sa binabalak kong gawin?

magkakaroon ba ng sariling category button ang bob ong quotes? kung oo, okay lang. ang importante may acknowledgment. optionally, kung may space rin sana para sa maliit na note na “with permission” saan man sa website, mas ok para alam din ng iba na gagaya sayo ang gagawin nila. hindi legal issue yon, pero paggalang na rin yon sa mga trabaho ng writer. at sa pangkalahatan ikinakatuwa rin naman ng mga writer na makita ang trabaho nilang nagagamit ng iba. (basta’t hindi lang lalabag sa intellectual property law!)

suggestion lang, pwede mo bang dagdagan ng kahit tatlong segundo pa ang quotes? masyado kasing mabilis para mabasa yung iba. saludo ako sa pagtuturo mo ng script sa iba. ipagpatuloy mo lang yan, arvin! =>

-BO www.visprint.net

Oo, nakausap ko na si Bob Ong, hehe:D Nagawa ko na nga ang widget at inadvertise ko siya sa aking tabulas. Nag-ikot-ikot ako sa mga tagboards upang mang-ispam, all-out. Meron ngang mga nagalit, pero mas marami ang natuwa. At umabot sa 250+ ang nakagamit ng aking random quotes.

Wala akong kaide-ideya na nakilala ko na pala siya nang hindi ko man lang namamalayan.

 

Sabi ng aming instructor dati ay isa lang daw sa mga manunulat sa Filipino department ng Unibersidad ng Pilipinas ang nagtatago sa pangalang Bob Ong. Sino nga ba siya nang makapagpasalamat, dahil kung hindi dahil sa kanya ay hindi siguro ako ganito ngayon.

oo, sobrang salamat kay bob ong, kasi pinakilala nya ang isang taong nagpapasaya sa akin ngyon.

Siguro nga’y hindi lang si Bob Ong ang naging dahilan, panigurado’y marami pang iba, kundi man lahat ng mga nangyari sa buhay ko’y naging aking daan patungo sa kaniya, at sa aming pagkakakilala.

Sino siya?

Posted at 12:20 am | Permalink | 11 Comments