Wala na akong ibang maisip, eto na lang talaga.

May 2007 Archives

Panaginip

Thursday, 31st day of May 2007

Huy, gising!

Muntik na akong mahulog sa banging parang kabuteng bigla na lamang lumitaw sa aking panaginip. Laking takot akong nagising sa makalaglag-pusong pagkahulog sa inakala kong bingit ng kamatayan. Lakas akong napasinghap sa inakala kong aking huling hininga at sabay nandilat ang aking mga mata sa biglaang agos ng adrenaline sa aking mga ugat.

Gulat, takot, pangamba ang bumalot sa aking isipan sa mga huling sandali ng aking bangungot na bigla ring napalitan ng ginhawa at saya nang pagkagising ko’y naglaho ang banging hindi naaaninag ang ilalim at napalitan ng dulo ng kawayang papag na aking hinihigaan.

Ha ha ha, ok ka lang?

At nakita ko siya. Kung nagtuloy lamang ang aking bangungot ay baka inakala ko siya sa isang magandang superherong magliligtas sa akin sa nalalapit kong katapusan. Tama, ililigtas niya ako matapos niya rin akong itulak sa parehong bangin. Natawa na lang ako sa aking isipan, pero binigyan ko pa rin siya ng isang unimpressed look habang sinasabing,

Mukha kang tange, ganda-ganda ng tulog ko e.

Nakangiti pa ring siyang tumatawa habang umuupo sa kabilang gilid ng aking hinihigaan. Tuwing tag-init ay nawili akong matulog sa ilalim ng puno ng mangga sa aming likod-bahay. Hinaharang ng mga dahon ang matinding sikat ng araw habang malakas naman ang pabugso-bugsong hanging presko sa katawan. Ang sarap matulog matapos kumain ng ilang manggang sinawsaw sa toyo’t asin. At lalong masarap matulog kung walang iistorbo sa iyo tulad niya.

Hehe, nakita mo sana kung pa’no ka nagulat=)
Haay nako, istorbo ka naman e.
Kaw o, ‘di naman mabiro.
Di ba nga, magbiro ka na sa lasing, huwag lang sa..
Hephep, hindi ka pa gising nung biniro kita, hehe=)
Haay nako..

Siya ang kapitbahay naming halos kasing edad ko lang na akala ata’y nakakatuwa, siguro para sa kanya, ang ginagawa niyang pang-iistorbo sa tulog ng may tulog. Nagkakilala kami, siguro mga limang taon nang nakalipas, noong nabili nila ang dating bahay ng mga tito ko. Nagkaabot kami sa pinapasukang highschool at pati service na sinasakyan kaya hindi rin naiwasang maging magkaibigan kami.

Bakit mo ba ko ginising?
Hehe, pitas mo nga ko ng mangga=)
Ha?! Ginising mo pa ko, e hayun yung sungkit.
E sa hindi naman ako sanay pumitas.
Whoo, tamad.

Wala naman akong magagawa. Kahit hindi ko pinapakita ay natutuwa talaga ako sa kanya, at sa mga ginagawa niya, pero hindi sa perwisong dulot ng kanyang kakulitan sa akin.

Kinuha ko ang sungkit at tumingala sa kumpol-kumpol na mga bunga ng mangga. Siya ang nagtuturo kung alin ang pipitasin habang nakahiga siya sa may papag na animo’y isang prinsesa at ako naman ang kanyang dakilang tagasilbi. Sabi ko sa kanya’y saluhin niya ang mga nalalaglag na pinitas ko para naman hindi mabiyak pagtama nito sa lupa pero hindi naman daw siya marunong sumalo at baka mataamaan lang siya. Haay, hindi ko alam kung gusto lang akong pahirapan at asarin o sadyang tamad lang talaga siya, sigurado akong pareho.

Kumuha ka na lang kaya ng sawsawan.
Eto nga bagoong, kaya nga gusto ko mag-mangga.
Ayus, may silbi ka rin pala, hehe.
Nye.

Siya ang nagbabalat ng mga mangga dahil yun lang ata ang gawaing payag siya. Ako nama’y humiga na rin dahil nakakapagod ang bumuhat ng tatlong metrong kawayan nang nakatingala.

Naalala ko nung binuhusan kita ng tubig, hehe..
Akala ko nalulunod ako nun, langya ka talaga.
Haha, kung may videocam lang sana ko=)
Kaw, papatayin mo ata talaga ko.
Hindi naman masyado.

Ilang beses na rin niyang ginawa sa akin ang ganuon habang ako’y maidlip na natutulog. Minsang hinila niya ang aking paa, pinisil ang ilong hanggang sa hindi ako makahinga, at ang pinakagrabe’y binuhusan ba naman ako ng tubig sa mukha? Talagang papatayin niya ako, hindi man pisikal kundi lalong baka sa sindak. Pero kung iisipin, ang gandang alarm clock niya dahil magigising ka talaga.

Hala, ‘pag ikaw namatay, baka ganyan ka magmulto.
Hehe, oo nga ‘no. Haha, mas nakakatawa siguro yun.
Haay, nabigyan ko pa ata ng ideya.

Ang totoo, masarap gumising kung siya ang unang makikita ko sa pagdilat ng aking mga mata.

 

Malakas ang hiyawan ng mga tao dito sa loob ng Kurakuen Hall. Hindi ko alam kung pang-ilang round na, pero bugbog-sarado na ang aking katawan. Yumayanig ang sahig ng ring sa bawat hakbang naming dalawang magkalaban.

Isa akong boksingero at kaharap ko sa isang labanan si Ippo Makunochi. Kita ko sa mga mata niya ang pagnanais na manalo, mukhang tatapusin na niya sa round na ito.

Nilawakan ko pa ang tindig ng aking mga paa dahil para na akong matutumba. Huminga ako nang malalim nang sinimulan na niya ang depsy roll. Kaliwa, kanan, straight jab, walang tumatama sa mga suntok ko. At ako’y natigilan na lang nang akma siyang bubuwelo ng isang left cross. Tatlo, dalawa, isa, hindi na ako nakailag sa kanyang suntok, solid sa aking pisngi. Naramdaman ko ang sakit na bigla na lang sumambulat sa aking mukha, ngunit ako’y nagtaka’t naguluhan nang marinig ko ang aking katunggaling sinabing,

Ay, sori! Sori talaga!

Hilong-talilo akong naalimpungatan habang unti-unti akong napamulat mula sa aking napapanaginipan. At nakita ko ang kanyang magandang mukha. Sa ilang sandali’y inakala ko siya bilang nurse na kasama ng mga naka-standby na paramedics sa isang boxing match. Pero nagising na ako, at sa pagsalat ko sa aking pisngi’y nakapa ko naman ang isang matigas na bagay na nakadantay sa aking leeg.

Hindi pala isang malakas na suntok ang tumama sa akin kundi isang malaking mangga mula sa puno ang nahulog sa aking mukha.

Sori! ok ka lang ba?
Anong ginagawa mo?
Sabi mo kasi ako na lang magsungkit=)

Ewan kung magagalit ba ako o matatawa, o baka naman kaya maiiyak. Pero sa oras na masilayan ko ang kanyang ngiti, wala na akong ibang naiisip pa. Gustong-gusto kong nakikita siya.

Laki-laki nitong puno, sa tapat ko pa ikaw nanungkit.
D’yan na lang kaya yung may malalaki.
Ba’t ‘di mo ko ginising?
Ang gulo mo, dati nagalit ka nung ginising kita.
Edi ngayon, napagsabay mo naman ang panunungkit ng mangga at pambibwisit sa akin.
Hehe, parang.
O, inamin mo! ‘Kaw ha.
Ha ha=)

Hindi ko masyadong maintindihan kung bakit niya ito ginagawa sa akin. Alangan namang itanong ko sa kanya ang dahilan, pero sana ay hindi siya magsawa. Walang kapalit ang masaya niyang mukha.

Hindi mo ba talaga ko titigilan?
Hehe, kelangan mong nang masanay=)

Ayoko ngang masanay sa iyo. Dahil mas madaling magsawa sa isang bagay na nakasanayan na at ayoko naman nun.

Posted at 7:34 pm | Permalink | Add a Comment

Wrong timing

Friday, 4th day of May 2007

Sabi ko na nga ba’t may mangyayaring hindi ko magugustuhan. Pero ang hindi ko inaasahan, ay sobra-sobra palang hindi ko magugustuhan ang mga nangyari, dahil sobrang hindi talaga naging maganda. Asar, sobra. Naaasar ako nang sobra kung bakit ko hinayaang maging ganun. Asar, langya. Mula iskul hanggang ngayo’y binabanggit ko pa rin sa sarili ko na “Asar..”. Asar talaga ko, at lahat nang ito ay nagsimula sa kanyang text message,

Sa’n court kyo? Sa likod ng SC?
Oo, bkit ppunta k?
Gusto kta mkita=) Bka malasin k kpg nanood ako=) kya dpat tlga pumunta ko.
Seryoso ka tlaga?
Ok lng b n pmunta ko?

Natagalan bago ako nakasagot, dahil hindi talaga ako sigurado kung ok lang na puntahan niya ako sa aking tennis class. Ok lang para kanino? Dahil siguradong hindi para sa akin. Kaya pinag-isipan kong mabuti. Kung sasabihin kong hindi, ay paniguradong magtatampo siya. Siya, tama siya,

Ang girlfriend ko dati na ngayon ay ayaw na sa akin, na hindi ko maintindihan dahil sabi niya’y she likes me, that she feels affection but not love at kung ano-ano pang ingles na salita na hindi ko naman malaman ang pinagkaiba-iba. Sinubukan ko dating makipagbalikan sa kanya dati pero yun ang mga pinagsasasabi niya sa akin.

At ano naman ang idadahilan ko kung bakit hindi niya ako pwedeng puntahan? Alangan namang sabihin ko ang tungkol sa mga makakakita sa kanya na baka isipin na may girlfriend na ako? Alangan namang sabihin ko ang tungkol sa kapartner ko at kay Kim? Alangan namang sabihin ko ang tungkol kay Kim at ang pagnanais kong maging malapit sa kanya? Alangan namang sabihin ko sa kanya ang totoo?

Alam kong malulungkot siya at ayoko naman nun. Pero paano naman ako?

May movie quote na matagal ko nang napag-iisipan. Sino ba ang nakapaood sa “My Sassy Girl”? Meron kasing sinabi ro’n sa may bandang huli na, “Fate is building a bridge for your love”. At ang hindi ko matanto ay kung alin sa dalawa ang tinutukoy nito.

Na ang tadhana o fate ay lumilikha ng tulay mula sa iyo patungo sa isang tao na maaari mong mahalin ngunit sa iyo pa rin nakasalalay kung tatawirin mo ang tulay na ito o hindi. Dito ko gustong maniwala, na tunay ang sinasabi nilang tadhana. Pero ang isa pang interpretasyon ay,

Na ang tadhana o fate ay ang paggawa mo ng tulay para sa iyong pag-ibig. Na ikaw ang gumagawa ng sarili mong tadhana. Na ikaw ang gumagawa ng paraan upang mapalapit ka sa iyong minamahal. Alin ba sa dalawang ito ang totoo? Pareho?

Paano kung pareho kayong naghihintay na may mabuong tulay para mamagitan sa inyong dalawa? Buti kung ang isa ang naghihintay at ang isa ay ang gumagawa nito. Pero mas maganda kung pinagtutulungan niyong dalawa ang iisang tulay na mag-uugnay sa inyong mga puso [ang korni nun ah, hehe].

Ikaw ang lumilikha ng sarili mong katotohanan.

Posted at 7:34 pm | Permalink | Add a Comment