kundiman

 

March 2007
S M T W T F S
« Feb   Apr »
 123
45678910
11121314151617
18192021222324
25262728293031

Archives

Subscribe to my feed

Unang tatlong minuto

March 17th, 2007

bilib na ‘ko kapag nirelease nila yung “noontime show”.
“noontime show”? anu yun… kanta din nila?
astig yun, may line dun ano, “gan’to dapat ‘pag banda, ‘pag kanta may epal na artista”.
o? hehe. may kopya ka? parinig naman.
sige, mam’ya…

Kung saan-saan na napunta ang aming usapan. Kanina’y pinagtatalunan namin kung ano ba talaga ang nagdala sa kantang “loveteam” ng itchyworms sa number one spot nitong daily top ten ng myx, kung ang mismong kanta ba o dahil sa binibida nito ang kakilig-kilig na loveteam ng isang chinitang cebuana at bisayang amboy.

Hindi na mabilang ang mga pinagtalunan naming bagay na pasikut-sikot, pabagu-bago, paulit-ulit, tuloy-tuloy na parang isang medli’ng walang katapusan. Yun nga lang, hindi kami kumakanta.

Hindi ko alam kung sino sa aming dalawa ang may kakayahang paikut-ikutin ang istorya hanggang sa humantong kami sa isang panibagong problemang malayo na sa nauna. Pareho ata, pero masaya kami at walang humpay sa hagikgik, tawa, halakhak at ngising hindi mapigil-pigilan.

sila pa rin kaya ang number one?
baka… nagtext ka ba?
hinde ‘no, sayang lang sa load ‘yun.
ang sabihin mo, kuripot ka lang, hehe.

Lagpas nang hatinggabi, nakaupo ako sa may harap ng telebisyon at nanunuod ng isang 24-hour music channel. Ako na lang siguro ang gising sa buong compound namin, na mas maganda, dahil kapag may nakakita sa akin dito’y baka isiping nababaliw na ako.

Nagsasalita, tumatawa, nagagalit, nanunukso, nagdadrama ako sa aking kinauupuan kahit na wala naman akong ibang kasama’t sadyang nag-iisa, pero hindi pa naman ako nasisiraan ng tuktok.

huy, magpapalit na ko ng battery.
huh?!? ang bilis namang maubos niyan.
oo nga e, hehe, sige ha, sandali lang ‘to.
bilisan mo ha… ikaw ang tumawag.

Agad kong inalis ang baterya mula sa aking phone at ipinalit ang isa pang battery na kakacharge ko lang sa cellphone ng kapatid ko. Mabilis maubos ang karga kapag ilang oras ka nang tumatawag at naka-speakerphone mode pa. Dalawang cellphone, dalawang baterya, dalawang charger at unlimited call time ang kailangan ko para sa aming malimit ng pakikipag-usap.

Ito ang aming tambayan, at tanging dito lang kami nagkakasama.

Minsan sa isang linggo, kapag wala kaming pareho klase kinabukasan, ay nagpapaabot kami lagpas hatinggabi kung kailan tulog na ang lahat at pareho na kaming nag-iisa. Sabay naming pinapanood ang mga paborito naming mga banda, sabay kumakanta’t sumusunod sa bawat linyang lumalabas sa baba ng screen at nakikinig sa tugtuging nililikha ng gitara’t drums. Musika ang nagbubuklod sa aming dalawa.

Sa kalaliman ng gabi ay may liwanag na nalilikha ang aming mga kwentuhan. Liwanag na sapat lang para makita namin ang isa’t-isa, kahit hindi namin sukat ang layo sa pagitan naming dalawa. Ito ang aming sariling mundo, na kaming dalawa lang ang tanging nagpapaikot.

Telepono ang naging tulay para sa aming pagpapakilala at tanging mga boses lamang ang bumubuo sa aming katauhan.

Naaasar ako sa mga ganu’n..
sobra naman, anong ginagawa mo?
E’di titignan ko lang sila ‘tas hindi magsasalita, hehe
loko ka, hehe… para kang timang

Kulang na lang ay makita ko ang kanyang mukha. Paminsan-minsan ay ipinipikit ko ang aking mga mata at sinusubukang hubugin ang kanyang anyo sa aking imahinasyon. Itinutugma ko ang pagbanggit niya sa mga salita sa bibig ng babaing aking nalilikha. Kahit hindi ko nakikita’y tumatagos ang bawat ngiti niya sa aking pandinig. Hindi man siya abot ng aking mga kamay, haplos niya’y nadarama pa rin ng aking puso. Hindi ko man siya katabi ngayo’y magkasalo kami sa oras, isip at damdamin.

Alam ko na kung paano umibig ang isang bulag na walang pandama ang buong katawan.

5 Responses to “Unang tatlong minuto”

howler.
ituloy tuloy mo lang yan. :) ayoko ng itanong kung imbento ito.
bahala na. :)

wanderer,

asteeg nito!
ang dami nga namang magawa kapag naka-unli, hehe..
pero do you really engage sa ganitong gawain komski?? parang ang saya ngang may makausap na taong hindi mo kakilala at hindi mo pa nakikita pero feeling mo with the time and converstaions you’ve shared e kilalang-kilala mo na sya at kaya mo na ngang lagyan ng hitsura ang boses nya.
mukhang naayos na usb mo at nakapag-post ka na.

komski kuno,

oo nga maganda ang ganitong eksena, kaya nga isinulat ko e, hehe=) pero tama, questionable ang ganitong gawain para sa akin dahil hindi ko talaga nagagamit ang phone ko masyado.

bumili ako ng bagong flash disk=)

hihi.. love ko tong entry na to. *kilig kilig* ^_^

sha!! ayan.. ung hamham na may gitara at laging tumutula. sha ang paborito ko. haha!! kyutness.

inaantay ko din continuation ng love story!!!! meron pa diba… sinaaah.. ^^

Leave a Reply