matigas, hindi nakakain yung puting balat. peke na peke itong nabili kong white rabbit. meron nga palang dalawang bagong-bagong laro! yehey! parehong may kinalaman sa mga litrato, at customizable pa. jigsaw yung isa, astig. pero teka, hindi pala siya jigsaw kasi pantay-pantay yung gupit sa pieces, derecho ang linya kaya hidi siya jigsaw literally. pero parang ganun yung konsepto, ah basta.
jigsaw
“pwedeng patingin?”
“ok lang, alin ba, ‘tong laruan?”
“yung jigsaw puzzle.”
“bakit? may plano ka bang bilin?”
“hinde naman, medyo weird kung sasabihin ko sa ‘yo kung bakit, kaya wag na lang.”
“ok lang naman kung mahilig kang maglaro niyan eh, hehe pambata.”
“hindi no, sige na nga, pinag-aaralan ko ‘tong jigsaw.”
“huh? pinag-aaralan? panong pinag-aaralan? ano yan project?”
“hinde, wala lang. may ginagawa kasi akong laro.”
“gumagawa ka ng laro? ano, jigsaw puzzle?”
“medyo, sabi sa ‘yo weird eh.”
“weird nga.”
” … ..”
“panong laro?”
“laro, sa computer, tapos lagay ko sa website ko.”
“huh, may website ka? pa-weird na nang pa-weird ah.”
“nag-poprogram kasi ako. eh, nagyon gumagawa ako ng laro.”
“program? sa computer? ano yun, parang word?”
“parang ganun, pero mas simple dun siyempre, sobrang simple.”
“sandali lang, ano ka ba?”
“anong ano ka ba?”
“ano, nag-aaral o graduate na?”
“nag-aaral, college na ko.”
“ano ka, computer programming?”
“hehe, 4 years to, comsci.”
“saan? sa AMA?”
“sa ano, yupi, diliman.”
“talaga? galing naman.”
“… ..”
“gumagawa ka ng laro tapos wala lang?”
“wala lang, wala kasi akong magawa eh.”
“lakas mong mag-trip ah.”
“tingin ko nga rin.”
“bilisan mo.”
“bakit?”
“marami pa kong aasikasuhin eh”
“edi dun ka na.”
“ayoko nga.”
sa una’y sobrang ganda
hindi mo aakalaing ito’y pinirata
hanggang sa makarating ka
sa parteng nakakairita.
masyado nang maraming gasgas
ang ating pagsasama
na para bang isang pekeng pelikula.
hindi malinaw ang ating pagkakasundo,
ni wala nga yata talaga.
at gaya ng lahat ng mahinang klaseng makinarya
hindi na rin ito maisasalba.
patalbog-talbog ang musika,
malabo ang mga salita ng artista
at parang tayo kapag magkasama,
walang nangyayaring maganda.
kaya gaya ng lahat ng mga nakukumpiska
sinusunog sa baga, tuluyang binubura.
wala talagang kwenta ang isang pinirata.
narito ka ngayon sa blog kung saan ang raw script lang ang seryoso, at lahat ng hindi nakapaloob sa gitna ng <script> at </script> ay pawang mga alphanumeric characters that come in no particular/sensible order.
anything that may seem readable could have just been formed by generating a random number in ranges of 48-57, 65-90 and 97-123 and converting them to their equivalent unicode characters then finally grouped together to look just like any ordinary word.
pero, hinde, hindi pa ako hard core dynamic html programmer. ang alam ko lang naman ay konting javascript at mga css style properties, ni hindi ko nga kayang mag-handle ng online forms eh. nakakatuwa lang gawing alipin ang komputer, ang kailangan lang ay ang tamang paraan para pasunurin siya na ayon sa gusto mo. (on cue: evil laugh)
may mga pagkakahawig ang programmer-computer relationship sa parent-child, employer-employee, teacher-pupil, o kahit na ano pang mutual relationship na mayroon. ang komputer ang subordinate, programmer ang master. kung sa parent-child, una, kailangang intindihin muna ng magulang ang anak bago niya ito mapasunod. kailangan niyang sabihin ang tamang salita sa tamang oras, para hindi mag-alboroto ang anak. yun nga lang, nasa extreme level ito.
isipin mo na wala pang alam ang anak, sa madaling salita, bobo. Ngayon, para mapasunod mo siya, kailangan todong paliwanag, siyempre kasi bobo nga. pero ang maganda, isang paliwanagan lang dahil madali siyang matuto. kumbaga sa notebook, pag binili mo, walang laman, pero pag sinulatan mo na, isang sulatan lang, mahirap nang mabura. ok ba?
ang kainaman, kahit anong iutos mo, basta’t kaya niya, gagawin niya. walang angal, walang reklamo, walang kapagod-pagod, mabilis pa.