kundiman

 

March 2005
S M T W T F S
« Feb   Apr »
 12345
6789101112
13141516171819
20212223242526
2728293031  

Archives

Subscribe to my feed

kuntento

March 24th, 2005

Alam ko na ito kaya hindi mo na kailangang ipaalala pa

malaki nga ang problema ng mga tao. Malaki, marami, iba-iba, parang sakit na hindi nararamdaman. Akala mo hingal lang, asthma na pala. Parang sakit lang ng ulo pero yun pala, may namumuo nang tumor. Hindi namamalayan, nababalewala lang, binabalewala lang.

Isang mahirap na project, final exams, pagsasalita sa stage, paglelead sa flag ceremony, pagsali sa isang patimpalak, pag-aaral, paghahanap ng trabaho, panliligaw, pagrerecite sa klase, paggawa ng asaynment. Hindi talaga maiaalis sa isang araw ng paninirahan dito sa mundo ang mga pagsubok na tulad ng mga ito. Gaano man ito kaliit o kalaki, mahirap man o madali, itinuturing pa rin itong susubok sa ating kakayahan. Siguro iniisip mo na alam mo na yan, hindi ko na kailangang ipaalala. Tama ka. Yan naman ang iniisip ng lahat. Pati na rin ako.

“Alam ko na yan, hindi mo na kailangang sabihin pa.”
“Anong akala mo sa akin? Bobo? Matagal ko nang alam yan.”

Pero alam nga ba natin kung ano ang talagang kabuluhan ng lahat ng ito? Hihinto na lang ba ang lahat sa kaalaman? Hindi naman ang nalalaman ng isang tao ang mahalaga. Bakit?

Sino ba ang hindi nakaaalam ng kaibahan ng mabuti sa masama? Sino ba ang hindi alam ang ibig sabihin ng bawal magtapon ng basura dito, o bawal umihi dito at kung lagi ka sa may edsa, bawal ang tao dito? Mahirap bang intindihin ang ibig sabihin ng mga salitang ito? Marahil hindi, dahil paniguradong alam ng lahat iyan. Pero hanggang dun na lang ba ang lahat?

“Alam ko na yan, hindi mo na kailangang ipaalala.”

Siguro iniisip mo na ang babaw naman, eh ano kung magkalat ka minsan ng isang balat ng kendi sa kahabaan ng kalsada? Iisipin mo na wala lang yun, aanudin lang ng tubig kapag umulan. Ok lang, ngayun lang naman.

Ganun din ang iniisip ng isang bata habang kumukupit ng limampiso sa wallet ng kanyang nanay. Ok lang to, hindi naman mapapansin ni nanay na kulang ng limampiso.

Pati ang kinse-anyos na isinama ng kanyang kabarda para uminom. Una lang ?to, hindi naman ako uulit. Konti lang, hindi ako malalasing. Parang wala lang.

At kapag inaya na rin siyang mag-droga. Una lang ?to, hindi naman ako uulit. Konti lang, hindi ako maaadik. Parang wala lang.

At pag nawalan ng pambili ay magnanakaw. Una lang ?to, hindi naman ako uulit. Konti lang, hindi ako masasanay. Parang wala lang.

At kapag lumaban ang kanilang pinagnanakawan ay makakapatay. Una lang ?to, hindi naman ako uulit. Konti lang, hindi ako mahuhuli. Parang wala lang.

Pati na rin siguro ang mga opisyal na nangungurakot. Ok lang to, wala namang makakaalam. At kapag nahuli ay, Balat ng kendi lang naman ang itinapon ko ah, bakit hindi ninyo hulihin yung nagtatambak ng nuclear wastes? Dapat sila ang hulihin niyo, hindi ako. Kagaya nga ng laging naririnig sa love radio 90.7, Tagos ba?

Maliit man o malaki, madali o mahirap, sinusubok pa rin nito ang ating pagkatao.

Pangongopya ng asaynment, sasabihing trapik pero ang totoo, late lang talaga ng gising, panunukso, pagsasabi ng put*, bisyo, sugal, panloloko, dagdag-bawas sa eleksyon, pagnanakaw sa kaban ng bayan, pagpatay.

Sana hindi mo na lang sinabi na alam mong mali yun. Sana nagkunwari ka lang na ngayon mo lang ito narinig at nang sa gayon ay hindi na ako nadismaya sa ginawa mo. Para hindi na sana nabawasan pa ang paubos ko nang pag-asa na muli pang makakabangon ang bayan natin.

Balat ng kendi lang yan, wag mong masyadong damdamin. Pero ang pinakamalaking epidemya na nakakapatay ng milyon-milyon ay nagsisimula sa isang virus na hindi naman nakikita ng mata. Isang pagkakamali lang sa DNA ng isang cell mo sa katawan ay magiging abnormal ito at magiging sanhi ng kanser.

Ipagpalagay na nating, alam nating lahat ang lahat ng ito. Anu ngayon?

—>

“Ang sakit ng ulo ko…”
“Kumain ka ba kanina? Baka nalipasan ka lang.”
“Baka nga samahan mo nga ako sa canteen”

Siguro habang binabasa mo ito ay may nagawa ka nang kahit ilan lang na pagkakamali. Isang maling letra sa testpaper, mali mong nasabi sa kasuyo mo, nakalimutan mo yung sinaing, hindi magkapareha ang suot mong tsinelas, sabi mo bukas pero ang totoo, hindi ka naman sigurado. Anu nga naman ang magkamali ng isang beses?

Kinabukasan,
“Ang sakit uli ng ulo ko, parang kahapon.”
“Baka may migraine ka, may oras yun di ba?”
“Baka nga samahan mo nga ako sa clinic.”

Pero ang unang beses ay nauulit pa, at kung minsan ay hindi na talaga napipigilan. Para ngang migraine, aasahan mo na sasakit ang ulo mo sa ganitong oras, sa ganitong pagkakataon. Iisipin mo na talagang mangyayari to, at pagkaraan ay lilipas din, at muling babalik sa susunod, sa madaling salita, nakasanayan na.

Anong ibig sabihin ko? Akala ko ba ay alam mo na ito at hindi ko na kailangang ipaalala pa? Kailangan pa bang imemorize yan? Bisyo na ?to.

Na sa sobrang sanay na sa paggawa ng mali ay inaakala na na ito marahil ay tama at katanggap-tanggap. Magbigay ka nga ng example? Itaas mo na ang kamay mo kahit wala ka pang sagot.

“Ano ba yan, uminom na nga ako ng gamot, wala pa ring bisa.”

Iisipin ng isang tao kung ano ang gusto niyang isipin. Madalas ay kung ano ang kakayanin ng pilosopiya nila sa buhay. Yung rason na matatanggap nila, yung parang yun nga, siguro. Kung ano ang idadahilan nila para hindi sila magmukhang nagkamali. Walang bisa ang gamot kaya masakit pa rin ang ulo ko. Mahirap kasing magbigay ng test yun eh. Mababa talaga siyang magbigay ng grade.

Pwedeng tama, pero pwede ring mali. Swertihan na lang. Swertihan na lang? hehe.

Nanay: Bakit ayaw mong mag-aral?
Anak: Hindi naman lahat ng nag-aaral nagtatagumpay, swertihan lang yan.
Nanay: Anong gagawin mo ngayon?
Anak: tatambay lang, aantayin ko ang swerte ko.

Kaklase1: nag-aral ka ba?
Kaklase2: hindi. Kung papasa ka naman, talagang papasa ka.
Kaklase1: Eh paano ka naman papasa kung di ka nag-aral?
Kaklase2: Swertihan lang yan, bahala na, bagsak kung bagsak.

Botante1: Sinong iboboto mo?
Botante2: Kahit sino, pareho lang yun.
Botante1: Pareho? Alin?
Botante2: Kahit sino naman ang umupo dyan, wala ring mangyayari. Ok lang kahit sino.

Huwag mong isipin kung ano ang gusto mong isipin. Tanggapin ang katotohanan. Kumilos nang naayon sa sitwasyon. Mag-isip ng tama.

At sa wakas ay nagpadoktor,
“Dok, ano po ba ang problema ko?”
“Ayoko mang sabihin pero malala na ang tumor mo sa utak Hindi na ito maaagapan pa ng gamot o ng operasyon, pasensya na.”

Nasa huli talaga ang pagsisisi, kung kailangan wala nang magagawa pa, kung kailan tapos na. Kung nalaman ko lang sana nang mas maaga, hindi sana ito aabot sa ganito.

Sana hindi mo na lang sinabi na alam mong mali yun. Sana nagkunwari ka lang na ngayon mo lang ito narinig at nang sa gayon ay hindi na ako nadismaya sa ginawa mo. Para hindi na sana nabawasan pa ang paubos ko nang pag-asa. Pero tapos na, wala tayong magagawa pareho kundi magpatuloy sa kung ano ang meron tayo ngayon.

Kaya tayo may tenga ay para makinig, kaya tayo may bibig ay para magsalita, kaya tayo may mga kamay ay para tumulong, kaya tayo may mga paa ay para kumilos. Marahil ay sawa na tayo sa mga pangaral na tulad nito. Paulit-ulit na lang, pareho lang naman ang sinasabi. Iniba lang ang ayos ng mga salita pero yun din yon.

Alam ko na yan, hindi mo na kailangang ipaalala pa.

Leave a Reply